Saturday, July 11, 2009

Ang Aking Lumang Litrato

Nasaan ba siya rito? Ang naulinigan ko mula sa iyo.
Hindi ako sigurado kung sino talaga ang iyong tinatanong

Yan bang lumang litrato na hawak mo?
Ang sarili mo? O Ako?

Nariyan ako

Kung titingnan mo lang na mabuti, kahit natutungkab na
ang gilid at mapusyaw na ang kulay, maaaninag mo pa riyan
ang nakayukong puno na sanga at mga dahon lang ang nakunan--
diyan sa bandang kanan.

Sa background naman, nariyan ang dalisdis
na tinubuan ng medyo kumakapal nang talahib,
mga bulaklak na ligaw at maliliit na halamang-bundok
na dinidilaan ng sinag ng papalubog na araw.

Napapansin mo ba ang nakaalsa at parihabang lupa
na tila iniiyakan ng puno sa gawing kanan? —
Iyan mismong tinatakpan ng mga daliri mo ngayon—

Nariyan ako.

Hindi mo na nga lang ako makikitang nakangiti,
o nakataas ang kuyom na kamao, gaya ng dati.

(Kinunan kasi yan isang araw matapos akong mabuwal.
Diyan ako inilibing ng ating mga kasama
Pagkatapos naming maka-engkwentro
ang mga pasistang sundalo sa may Sapang-Bato)

Saturday, July 4, 2009

Nakikisilong


Dumarating ka
Sa mga sandaling hindi na ako humihiling

Ikinakawit
Sa aking batok, sa aking beywang
Ang mga langong paanyaya, mga pagsamo

Na bumalik sa mga patak at lagaslas
Ng tubig sa dutsa

Sa mga pagbaling, pagpihit, pananabik
Na marahang nilulusaw ng mga langitngit

Ng kama
Ng humihingang sahig.

Sa silid na ito ng mga alaala
Paulit-ulit
Iniaabot mo sa akin ang iyong mga pasalubong:

Hiniwa-hiwa at pira-pirasong paliwanag
Nakalata, yupi-yuping paghihintay
Nakaboteng halik – padaplis, kagyat, nakaw.
Nakasupot na mga kumusta na
Mga nagmamadali at walang-katiyakang
Babalik ako sa linggo

Tingi-tinging pagmamahal na iniiwan
Sa mga kislot at gusot ng sinapinang kumot.

Dumarating ka sa mga sandaling
Pagod na akong humiling

At tuwina, heto ako
Natataranta
Hindi alam ang gagawin.

kung bakit gin-bulag na lang ang iniinom ko






naka-collateral sa lending
ang kaluluwa at buhay mo.

hawak nila ang titulo
kapalit ng beinte porsyentong patubo
na huhulug-hulugan ko
buwan-buwan
habang-buhay.

at dahil compounded,
may penalty ‘pag late ng hulog
yung tubo, tumutubo
tumutubo nang tumutubo.

ang masakit pa nito
nadadagdagan ang prinsipal
tuwing tataas ang palitan
ng piso at dolyar.

at ang lalong masakit,
diyusko!
ano bang klaseng sumpa ito,
ipinagamit mo pa ang ating kuwarto
sa bungangerang nanay mo!

Thursday, July 2, 2009

Retirado

Bumabalik ang kanyang mga hakbang
Kung saan niya ito sinimulan.

Sa paghinto, hindi niya maiwasang
lumingon sa pinanggalingan

Tinitimbang, iniisip na hindi sapat
gaano man kalayo ang kanyang nilakbay.

Kulang
maging ang anumang naialay
ng mabilis niyang paglakad sa katanghalian

Tumawid at dumaan lang ang buhay
Kagaya ng pagtawid at pagdaan ng dagang-bukid na iyon
sa pilapil na kanyang nilalakaran, sumuot sa damuhan

na di man lang nahawi
hindi man lang gumalaw.

Saturday, June 20, 2009

Saxifrage

binibiyak mo ang matitigas
at malalaking tipak ng bato

kumakapit, lumulusot
sa bawa’t gasgas at gatla
ang mga ugat mong tumutunaw
sa mga iwing hinawa, tigas at pagkamanhid

sa ibabaw nila, bumubukad
ang mga talulot mong nakatitig sa araw
habang sumasayaw, naglalambing sa hanging
kayakap mo’t kaulayaw

natatangi ka sa lahat.

wala na sana akong dapat pang hintayin.
wala na sanang iba pang iibigin.

sayang nga lang at ikaw
ay sa maling bato nakatanim.

Sa Likod ng Bahay

Atin-atin lang.
Sa inaagiw na bodega, sa likod ng bahay
Nakatambak ang luma kong laruan:

eroplanong walang pakpak, espadang di na umiilaw;
kotseng walang gulong, mga kalawanging tansan
patid-patid na tirador, walang gatilyong baril-barilan,
trak-trakang tinapakan, yupi-yuping robot—
walang ulong kukutusan, walang mukhang masasampal.

Kumapal na ang alikabok
na nakakulapol sa mga ito.

Hindi ko na sila tinitingnan.
Ayaw ko na silang tingnan.

Tuesday, June 16, 2009

Tikom

Kagat-kagat niya, sapul pagkabata,
Ang isang pilak na kutsara

Labas-masok ang buhay
Sa mga pintuang
Kung magsara man ang isa
Buong-ningning, buong siglang
Nagbubukas ang dalawa

Kagabi, niyugyug ako ng mga buntung-hininga;
Ng nanlulumong paglingon at pag-iling

Kasingputla ng humpak niyang mukha
Ang nilandas niyang kahapon,
Na sinanay at sinayang sa rangya.
Sa isang bulagsak na paniniwala

At ngayon
Kinukutya siya ng pag-iisa

Marahang humahaplos
Ang kulimlim
Sa pikit niyang mga mata

Walang bukas na pinto.
Isa mang bintana’y wala.

Ang narito’y pangalan niya

Nakaukit

Sa itinatakip na lapida

Sunday, June 14, 2009

Indulhensya




Nilalapirot na mumo
sa hinlalaki’t hintuturo ang mga siphayo.

Ang takda—gumugulong,
umiinog na labirinto
ng mga walang sagot na tanong

Kaibigan niya ang Nazareno (yun ang sabi niya)
Kaakbay sa luhod-lakad na litanya
ng rosaryong nalilipasan ng gutom;
ng agua-benditang tila-ulang sinasahod
upang pagmulat, pasuray-suray ding humanap
ng pantighaw -- tubig na maiinom.

Sa bangketa ng Legarda, uupo
isasandal ang katandaan. Iuugoy ng umuusok
na tambutso ang mga singhap; at doo’y hahanapin
hindi sa dasal, kundi sa baryang inilalaglag
ng mga nagmamadaling nilalang ang mga ulyaning pangarap.

At habang pinagugulong sa lalamunan ang butil-butil na asam,
tila kuwadradong yelo ang mga ito, kumakalansing,
nilulunod sa alak
sa loob ng mga nagpipingkiang kopita ng kapangyarihan
sa kabila ng tulay -- sa ilog ng paghihiwalay.

Samantalang silang mga pinahiram ng poder
ay palalong nagdiriwang,
kasama ng diyos (na kaniyang kaibigan),
nilalapirot na mumo sa hinlalaki’t hintuturo
ang tiklop-tuhod na pag-asa
sa piling ng barya-baryang mga habag
na kasama niyang nalalaglag.

Tuesday, June 9, 2009

Tuwing Lilisan ang Tag-araw

Itinataghoy ko
Ang pagkawala
Ng marami
At magagandang bagay

Kagaya, halimbawa,
Ng kagagapas na palay—

Nakalatag, gintong balabal
Sa balikat ng dalagang
Ang pawis sa noo at karit
Na tangan ay pinakikinang ng araw.

Sisipol ang habagat
Upang ihudyat ang pagkabulok
At pagkalusaw ng dayami

Na muling inaangkin ng bukid
Pagsapit ng tag-ulan.

Nakapanghihinayang . . .

Walang bagay, wala ni isa man

Ang nananatili’t nagtatagal.

Pulandit

Kagandahan
ang tawag sa kamay na pumipiga
ng malagkit na basahang
humihiram ng puri, ng kalinisan
sa lumiligwak na tubig sa timba

Alikabok akong nahandusay
sa semento ng pangungulila.
Naghahangad ng hagod at lunoy.

At kagandahan ang hatid ng mga biloy na iyon sa pisngi,
ng kambal na sungaw ng animo’y nakataob na tasang puti.

Ninais kong tangayin na lang ng hangin,
lumayo. Nguni’t sa tuwina’y hangin din
ang bato-balaning nagbabalik sa akin
sa sulyap-titig na mga ngiti,
sa nahihiyang mga pagbawi

Katulad ng mesang
dinidilaan ng maruming basahan,
pinupunan ng kasalanan
ang mga puwang.

Nginig na inilulugso
ng pagnanasa ang katinuan
Upang paulit-ulit,
pukawin ng sikdo ang himbing na gabi

sumibsib at magtampisaw
sa tubig na naghihintay.

Friday, June 5, 2009

Kapag di maisulat-sulat ang tulang nagpapaumanhin

itinutulak ng mga sinag
ang puyat na gabi

buntung-hininga naman ang nagtataboy
sa lamyos na anyaya ng pamimigat

ng talukap – napaka-ilap. kasing-ilap
ng antok ang mga salitang pilit na inaapuhap.

hindi ang may bahid-tintang kamay

lalong hindi ang mga humihikbing daliri
ang aayon sa mata.

kung tinatapyas man ng naglalagos na silahis,
itim na balabal din lang ang parisukat
na dingding—nakayapos sa ulilang kama.

parang mesang nabibigatan
sa buhat-buhat nitong iilang kataga
naghihintay
sa tunghay ng mata. sa daloy ng diwa
ngayon.
hindi bukas o mamaya

asul na kamay--
sa magdamag ay pluma’t papel ang kaulayaw

wala nang palad
na kadaop

na magpapabaga sa pluma
upang dumaloy ang mga letrang
kasinglinaw ng hamog

na huhugas

sana

sa
mga
sugat
na
nalikha

Campus LQ

sinusuhayan ang hinanakit
ng mga ismid
ng kawalang-imik
sa mahabang upuang
nililito ng dalawang tao—magkatalikod,
nakaupo sa magkabilang dulo

kung bubuksan mo lamang
ang aklat na nasa iyong kandungan
makikita mo ang nakaipit na liham. pero
mukhang hindi ka naman interesadong malaman
kung ano ang nilalaman

mas gusto mo pang titigan, tanggalan
ng dahon ang nakayukong santan
na nasa iyong harapan

panis na laway,
paang pinapapak ng langgam,
imikan mo pa kaya ako?

hindi ko alam.

itatanong ko pa sa langaw
na dumapo sa gilid ng aklat

galit ba ako sa iyo? hindi mo na rin malalaman
hindi mo naman kasi siya pinakikinggan

lumipad na siya at ngayo’y umaali-aligid
pumapagaspas, at bumubulong sa tenga mo

kagagaling lang niya dito
bago lumipad, patungo sa iyo

mabuti pa ang langaw, nakikinig
ramdam ang pahiwatig
sa mga naipong buntung-hininga

sa nagsusumamong titig.